Monday, July 1, 2013

Bagong umaga, bagong pag-asa para sa Muntinlupa; Fresnedi, muling pangungunahan ang Lungsod




(UPDATE 2) MUNTINLUPA CITY - Bagong pag-asa ang sumalubong sa mga Muntinlupeño sa pagsisimula ng panunungkulan ni Mayor-elect Atty. Jaime R. Fresnedi ngayong ika-1 ng Hulyo, 2013, kung saan kanyang sisikapin na maibalik ang Lungsod sa tinaguriang “daang matuwid.”

Si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang panauhing pandangal at nanguna sa panunumpa ni Fresnedi sa City Hall Quadrangle sa Barangay Putatan.

“Ating tatahakin ang daang matuwid ng tapat at maaasahang pamumuno dahil ito ang nararapat para sa mga Muntinlupeño,” ani Fresnedi. “Ibibigay natin sa ating mga kababayan ang serbisyong walang kulay, nasa lugar, at walang bahid ng anumang anomalya o iregularidad.”

Naghandog naman ng awit ang premyadong mang-aawit at kompositor na si Ogie Alcasid upang palakasin ang loob ng mga mamamayan at maghatid ng saya sa pagdiriwang.

Hindi madali ang mga hamon ng bagong administrasyon dahil kinakaharap ngayon ni Fresnedi at ng buong Lungsod ang mahigit isang bilyong pisong utang dulot ng umano’y mga iregularidad sa ilalim ng dating pamunuan.

Gayunpaman, hindi nawawalan si Fresnedi ng pag-asa na magtatagumpay ang mga mamamayan ng Muntinlupa. “Hindi maganda ang sitwasyon pero hindi ito imposible,” aniya.

“Kailangan nating ibalik ang tiwala sa ating serbisyo-publiko at ang kumpyansa ng ating mga mamumuhunan kasama ang isang kultura ng paniniwala sa kakayahan ng mga Muntinlupeño na nagsasabing, ‘Kaya natin ‘to!’”

Mula 1998 hanggang 2007 sa pamumuno ni Fresnedi, tinamo ng Muntinlupa ng tatlong beses ang pagkakilala ng business community bilang Most Business-Friendly City sa buong bansa.

Gamit ang edukasyon bilang pangunahing programa sa ilalim ng kanyang Eight-Point Program of Governance, napagtapos ng Fresnedi administration ang libu-libong kabataan at mamamayan sa kanilang pag-aaral, kung saan marami sa kanila ngayon ang nasa iba’t-ibang industriya gaya ng media, private sector, at mga government institutions.

No comments:

Post a Comment